Handa na ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board sa nationwide transport strike kontra jeepney modernization ng grupong Piston, simula bukas hanggang Martes.
Ayon kay LTFRB spokesperson, Atty. Aileen Lizada, may mga inilatag na silang hakbang upang mapigilan ang masamang epekto sa daloy ng trapiko lalo sa mga commuter ng tigil-pasada.
Partikular anyang tututukan ng LTFRB ang mga insidente ng panghaharang ng grupong Piston sa mga jeepney driver at piliting sumali sa tigil-pasada.
Makikipag-tulungan din ang LTFRB sa PNP lalo sa NCRPO na manghuhuli naman ng sinumang mamimilit sa mga tsuper ng jeep na lumahok sa strike.
Planong two-day nationwide strike ng transport group na Piston kontra jeepney modernization, posibleng magbago
Samantala, nakatakda ng ilabas ngayong araw ng transport group na Piston ang kanilang desisyon kung itutuloy o i-aatras ang planong dalawang araw na tigil-pasada sa buong bansa.
Ayon kay Piston national president George San Mateo, ikinukunsidera nila ang panawagan ni Senador Grace Poe na magpatawag ng committee hearing upang talakayin ang kanilang mga hinaing kaugnay sa jeepney modernization program.
Pinag-aaralan anya nila ang apela ni poe kahit nakalatag na ang lahat ng preparasyon para sa nationwide transport strike, simula bukas hanggang Martes.
Bagaman hindi pa inirerekomenda ng LTFRB sa Malacañang na magsuspinde ng klase kahit naka-umang na ang tigil-pasada, nagsuspinde na ng klase ang mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur maging sa Guagua, Pampanga dahil sa pangambang walang masakyan ang mga estudyante.