Humingi ng paumanhin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa publiko dahil sa pagkakaantala ng mga biyahe ng pampublikong sasakyan sa Quezon City.
Nabatid na humaba ang pila ng mga pasahero sa Litex, Sandiganbayan at sa iba pang lugar sa Commonwealth Avenue sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa LTFRB, sa 510 bus na may rutang Angat-Commonwealth-Quezon Ave. at vice-versa, napag-alaman na wala pa sa kalahati ng mga bus driver ang pinayagang makabiyahe ng mga operator.
Sinabi ng LTFRB na dumami ang bilang ng mga pasahero sa mga nabanggit na lugar dahil wala umanong masakyan.
Dahil dito, iniimbestigahan na ng ahensya ang pangyayari upang panagutin ang united Mega Manila Bus Consortium na siyang operator sa nabanggit na mga ruta.
Samantala, nilinaw naman ng LTFRB na mas marami pang ruta ang bubuksan ngayong linggo partikular sa kahabaan ng Commonwealth Avenue para mabigyang serbisyo ang publiko. —sa panulat ni Angelica Doctolero