Itinanggi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipinag-utos nila ang pagbabawal sa ride hailing app na Angkas na tumanggap ng mga mabibigat o matatabang pasahero.
Kasunod ito ng anunsiyo ng Angkas na posibleng hindi na sila magsakay ng mga overweight na pasahero alinsunod sa safety guidelines ng pamahalaan.
Ayon kay LTFRB Technical Working Group Consultant Alberto Suansing, kanila lamang pinatitiyak sa mga motorcycle ride hailing companies ang kaligtasan ng mga pasahero.
Aniya, hindi nila ipinag-utos ang pagbabawal sa pagsakay ng mga mabibigat na pasahero sa mga motorcylce taxis na tila pinalilitaw ng Angkas na kabilang sa kanilang guidelines.
Una rito, ipinadedeklara ng Angkas sa kanilang mobile app ang weight range ng kanilang mga pasaherong nagpa-book para umano matiyak ang kaligtasan ng kanilang rider at sakay nito.