Dapat nang bilisan at ayusin ang pamamahagi ng pantawid-pasada o tulong pinansyal sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan na apektado ng walang prenong pagtaas ng presyo ng oil products.
Ito ang panawagan nina Senator Sherwin Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Energy at Senator Imee Marcos sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kina Marcos at Gatchalian, available ang pondo para sa pantawid pasada dahil ipinasok ito sa national budget ngayong taon, pero laging may mga tsuper na umaangal na hindi nila natatanggap ang ayuda o kaya ay napakabagal ang distribusyon.
Hindi anila sumasabay sa napakabilis na pagtaas ng presyo ng langis ang pamamahagi ng ayuda, maging ang pagbabayad sa mga kinuhang tsuper sa ilalim ng Service Contracting Program.
Inihayag ni Gatchalian na noong marso pa inireklamo ng mga tsuper ng jeep ang makupad na pamamahagi ng ayuda, habang iginiit ni Marcos na paulit-ulit na ang reklamo sa magulo o kawalan ng LTFRB ng maayos na listahan ng mga benepisyaryo ng pantawid pasada.
Ipinunto ng dalawang senador na dapat na itong isaayos ngayong ikinukunsidera na ang ikatlong bigayan ng pantawid pasada. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)