Magsisimula nang mag-inspeksyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga bus terminal bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, layunin nito ang matiyak na walang bumibiyaheng kolorum gayundin ang masigurong nasa maayos na kondiyson ang mga bibiyaheng bus.
Bahagi rin nito ang makita kung maayos ang mga terminal na tatambayan ng mga nahihintay na pasahero at kung meron itong malilinis na palikuran.
Kasabay nito hinimok ng LTFRB ang mga pasahero na magreklamo sa kanilang mga nakaantabay na tauhan sa mga terminal kung biglang magtataas ng pasahe ang bus company nang walang pahintulot mula sa kanila.
Samantala, nagsimula nang magtungo sa mga bus terminal ang mga pasaherong pa-lalawigan para doon gunitain ang Mahal na Araw.
Sa Araneta Center Bus Terminal, ilang pasahero ang sumakay ng maagang biyahe ng bus patungo sa kanilang mga probinsya ngayong araw na ito.
Asahan pa ang maayos na biyahe dahil hindi pa fully booked ang mga ito at hindi pa rin nagdadagsaan ang mga pasahero.
Sinabi naman ng pamunuan ng nasabing bus terminal na inaasahan nilang sa Biyernes, March 23 dadagsa ang mga pasahero na posibleng pumalo ng hanggang sa 8,000.
Dahil dito hinigpitan pa ang seguridad sa naturang bus terminal.
By Judith Larino