Dinagdagan pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bilang ng mga bibiyaheng tradisyunal na jeepney simula sa Lunes, Setyembre a-14.
Ayon sa LTFRB, aabot sa 1,159 na mga jeepney ang papayagang pumasada sa may 28 karagdagang bagong ruta ng mga ito sa Metro Manila.
Walang ipalalabas na special permit para mag-operate ang mga tradisyunal jeepney sa mga rutang ito subalit kinakailangang roadworthy ang unit at mayruong personal passenger insurance policy ang mga ito.
Bibigyan naman ng quick response (QR) code ang mga magre-request na operatior bago pumasada at dapat ito ay naka-print sa short bond paper na nakadisplay naman sa harap ng unit.
Simula ngayong araw, maaari nang mag-download ng mga QR code ng mga jeepney operators sa website ng LTFRB na (www.ltfrb.gov.ph).