Magbibigay ng P150,000 ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bilang tulong sa pamilya ng 4 na nasawi sa aksidenteng kinasangkutan ng isang unit ng Valisno Bus kahapon sa Quirino Highway.
Ang nasabing halaga ayon kay Atty. Mary Ann Salada, Public Information Officer ng LTFRB ay batay sa programa nilang passenger personal accident insurance.
Kailangan lamang aniyang maisumite ang ilang dokumento tulad ng death certificate at police report ang naulilang pamilya para makuha ang financial assistance sa insurance company na accredited ng LTFRB.
Tiniyak pa ni Salada na makakatanggap din ng tulong ang mga sugatan sa insidente.
Nilinaw ni Salada na may bukod pang financial assistance na ibibigay ang Valisno base na rin sa pagtukoy ng korte.
Driver arestado
Samantala, naaresto na ang driver ng Valisno Bus na sangkot sa panibagong aksidente sa Quirino Highway, sa boundary ng Quezon at Caloocan cities, kahapon.
Dakong alas-4:00 ng hapon nang mahuli ng mga pulis si George Pacis, sa Balagtas, Bulacan.
Ayon sa QCPD District Traffic Enforcement Unit Sector 2, patungo sanang San Jose del Monte City, Bulacan ang Valisno Express Bus na may plakang TXV-715 nang araruhin nito ang boundary marker ng dalawang lungsod, dakong alas-7:30 ng umaga.
Apat (4) ang nasawi sa naturang aksidente kung saan dalawa sa mga ito ay kinilalang si Eduardo Remorin, 38-anyos ng Tala, Caloocan at Arsenio Jaraban, 45-anyos ng Navotas City.
Dalawa sa mga biktimang hindi pa nakikilala ay sa ospital na binawian ng buhay habang 16 ang nasugatan kabilang ang konduktor na si Ferdinand Dacusan.
By Judith Larino | Drew Nacino