Nakatakdang inspeksyunin ng Land Transportation and Franchise Regulatory Board (LTFRB) sa lunes ang mga terminal ng bus bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero kaugnay sa paggunita ng Undas.
Sinabi ni LTFRB chairman Martin Delgra na aalamin nila kung nakakatugon ang mga operator at mga kumpanya ng bus sa pagkakaruon ng standard facility.
Magsasagawa rin ng random inspection sa mga bus unit, kanilang prangkisa at iba pang dokumento ang LTFRB katuwang ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT), Land Transportation Office (LTO), Highway Patrol Group (HPG) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Bukod dito ay paiigtingin din ang kampanya laban sa mga kolorum na public utility vehicles (PUV).
Ipinabatid ni Delgra na magtatalaga ng Malasakit help desks sa mga terminal ang lahat ng kanilang regional offices para magbigay ng ayuda sa mga motorista at mga pasahero.