Sisimulan na ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pagpoproseso ng lisensya para sa mga colorum na van na bumibiyahe sa ilang mga sikat na tourist destination sa bansa ngayong buwan.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, layunin nito ang matiyak ang kaligtasan ng mga mananakay sa mga tourist destinations tulad ng Siargao, Boracay, Coron, Camiguin at Panglao sa Bohol.
Iginiit ni Lizada, dahil colorum at hindi dumaan sa tamang inspeksyon ang karamihan sa mga van na bumibiyahe sa mga naturang lugar, walang magiging katiyakan sa kaligtasan ng mga mananakay.
Paliwanag ni Lizada, sakaling masangkot sa aksidente ang mga nasabing colorum na van, mahihirapan ang mga pasahero na makakuha ng bayad para sa natamong pinsala.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa Department of Tourism para sa pagpo-proseso at pagpapalabas ng mga prangkisa sa mga operators ng mga tourist vans sa nasabing mga tourist destinations.