Mariing pinabulaanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Inter-Agency Technical Working Group ng motorcycle taxis ang naging paratang ng transport network company na Angkas.
Ito’y kasunod ng hakbang ng LTFRB na magtakda ng cap o limitasyon sa bilang ng mga rider ng Angkas ng hanggang 10,000 upang buksan ang kompetisyon sa mga motorcycle taxis sa susunod na taon.
Ayon kay LTFRB board member na si Retired Police M/Gen. Antonio Gardiola Jr. na siyang chairman ng technical working group, hindi totoo at walang batayan ang alegasyon ng Angkas.
Aniya, bagama’t aabot sa 17,000 mga riders ang mawawala sa Angkas, maaari naman aniya silang lumipat sa iba pang providers tulad ng Move-it at Joy Ride na magsisimula rin ang kanilang pilot implementation.
Kasunod nito, pinalawig pa ng LTFRB ang pag-aaral sa pilot implementation mula bukas, Disyembre 23, na tatagal naman hanggang Marso 23 ng susunod na taon.