Binalaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga jeepney driver na lalahok sa ikalawang nationwide strike na ilulunsad ngayong araw.
Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, tiyak na makatatanggap ng show cause orders ang mga tsuper kung tutuloy sa paglahok sa tigil-pasada gaya ng mga driver na nakiisa sa protesta noong Pebrero 6.
Maaari anyang suspendihin o kanselahin ng LTFRB ang prangkisa ng mga jeepney operator sakaling lumahok sa demonstrasyon.
Ang tigil-pasada na pinangunguhan ng mga transport group na “No to Jeepney Phase-out Coalition” at Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ay bilang protesta sa ikinakasang jeepney modernization program ng gobyerno.
LTOP
Asahan pa rin ang pagpasada ng mga jeep sa buong bansa sa kabila ng nationwide tigil-pasada ng ilang transport group, ngayong araw bilang protesta sa plano umanong jeepney phase-out.
Ito, ayon kay Liga ng Transportasyon at mga Operator sa Pilipinas (LTOP) President Lando Marquez, ay dahil hindi naman lahat ng transport group ay lalahok sa strike gaya ng kanilang grupo.
Mga miyembro lamang anya ng PISTON, Stop and Go Coalition at No To Jeepney Phase-out ang makikiisa sa aktibidad.
Bahagi ng pahayag ni LTOP President Lando Marquez
By Drew Nacino | Todong Nationwide Talakayan (Interview)