Nagpaliwanag ang LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa kanilang naging batayan para patawan ng isang daan at siyamnapung milyong pisong multa ang transport network company na Uber.
Ayon kay LTFRB spokesperson Atty. Aileen Lizada, ang ipinataw na multa sa Uber ay mula sa natitirang labing siyam na araw ng suspensyon nito at minultiplika sa sampung milyong piso na kanilang kinikita kada araw.
Paliwanag pa ni Lizada, ang kwenta sa kita ng Uber ay nakabatay din sa datos na kanilang isinumite sa LTFRB.
Sinabi rin ni Lizada na nakadepende sa Uber kung sila ay magbabayad ng multa o itutuloy na lamang ang suspensyon.
Matatandaang Agosto a-katorse nang suspendehin ng LTFRB ang operasyon ng Uber matapos na hindi sumunod sa utos na ipatigil ang pagbiyahe ng kanilang mga hindi accredited ng mga units.