Nakakuha ng tatlong sasakyan na bahagi ng Transport Network Company na Uber ang LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa kabila ng kautusang itigil muna ang operasyon nito.
Ipinabatid ito ni LTFRB Spokesperson Atty. Aileen Lizada sa mga kinatawan ng Uber Systems Incorporated sa ginawang hearing hinggil sa paglabag ng TNC.
Sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra III na malinaw na nilabag ng Uber ang direktiba nila nuong July 26 na itigil muna ang activation ng mga bagong driver.
Inamin naman ni Uber Representative Joseph Castillo na tumanggap sila ng applications subalit hindi nila pinoproseso o in-activate ang mga ito.
Gayunman binigyang diin ni Lizada na nagsumite ng application ang LTFRB sa Uber System at ilang minuto lamang ay na activate na sila.
Humihingi naman ng mga detalye hinggil dito ang Uber para ma check anito ang sinasabing activation bago magbigay ng pahayag.
By Judith Larino