Nilinaw ni Joel Bolano, hepe ng technical division ng land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na isinama sa 2023 national budget ang Libreng Sakay Program ngayong taon kaya posible itong muling ipagpatuloy ng gobyerno.
Matatandaang una nang inanunsiyo ni Senator Sonny Angara na mayroong P2.16 billion na inilaan ang pamahalaan para sa nasabing programa na may layuning matugunan ang problema ng mga komyuter.
Ayon kay Bolano, kanila nang pinaplantsa ang naturang programa maging ang mga guidelines ng ahensya para sa mas maayos na implementasyon nito.
Matatandaan din na nito lamang December 31, 2022, tinapos na ng gobyerno ang implementasyon ng libreng sakay program dahil na rin sa kakulangan ng pondo.
Kasabay naman ng pagtatapos ng nasabing programa, nagpalabas ng fare box ang LTFRB na nagbibigay pahintulot sa mga driver na makapaningil ng pamasahe sa kanilang mga pasahero.