Pinag-aaralan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang posibleng paggalaw sa singil sa pamasahe.
Kasunod ito ng hirit ng iba’t-ibang transport groups na gawing P12 ang minimum na pamasahe sa mga pampasaherong jeepney bilang paghahanda sa posibleng epekto sa presyo ng produktong petrolyo ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, may inihain mang petisyon o wala, kusa silang nagsasagawa ng pag-aaral sa pasahe lalo na kung nagkakaroon aniya ng biglaan at malakihang pagtaas sa presyo ng krudo.
Gayunman sinabi ni Delgra na hindi pa nila matukoy sa ngayon kung kailan maipapalabas ang desisyon hinggil dito.
Dagdag ni Delgra, posibleng hindi na rin naman aniya kailanganin ang pagtataas ng pamasahe dahil sa ganap na pagpapatupad ng jeepney modernization program sa kalagitnaan ng taon.