Pinag-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na suspendihin ang accreditation ng Grab.
Kasunod ito ng natuklasan nilang P80 na minimum na pasahe sa Grab car at isandaan at dalawampu’t limang piso (P125) sa Grab premium.
Ayon kay Atty. Aileen Lizada, Board Member ng LTFRB, hindi nababanggit sa kahit anong dokumentong isinumite sa kanila ng Grab ang hinggil sa minimum na pasahe.
Sinabi ni Lizada na ang minimum na pasahe ng Grab ay nakabatay sa department order ng nakaraang administrasyon kung saan pinapayagan ang mga transport network companies na magtakda ng pasahe kahit walang public bidding.
Aminado si Lizada na kahit dalawang taon na silang nasa posisyon ay hindi nabago ang nasabing department order.
Dahil dito, sinabi ni Lizada na iminungkahi niya sa LTFRB Board na pansamantalang suspindihin ang accreditation ng TNVS dahil may mga bagong disenyo ang kanilang aplikasyon na hindi pamilyar sa LTFRB.
—-