Sisimulan ng Land Transporation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang pag-iikot sa mga terminal sa Lunes bilang paghahanda sa nalalapit na Undas.
Ayon kay LTFRB Board Member at Spokesperson Aileen Lizada, layon nitong matiyak na ligtas ang mga bibiyaheng bus lalo’t inaasahang dadagsa ang mga pasaherong uuwi sa mga lalawigan para sa Araw ng mga Patay.
Sinabi ni Lizada na kabilang sa kanilang iinspeksyunin ay ang mga bus units at kung may valid documents ang mga ito.
Titignan din ng mga tauhan ng LTFRB ang mga gulong, signal lights, seatbelts at kung may fire extinguisher ang mga bus.
Maliban dito, iinspeksyunin din ng LTFRB ang loob at labas ng mga terminal maging mga palikuran at waiting areas.
Ipinaalala pa ni Lizada na dapat may help desk at security personnel sa mga terminal ng bus.
400 special permits for Undas
Mahigit 400 application ng mga bus para sa special permit ang pinoproseso na sa central office ng LTFRB.
Kaugnay ito sa paggunita ng Undas kung kailan inaasahan ang pagdagsa ng mga pasaherong ba biyahe patungong probinsya.
Sinabi ni LTFRB Spokesperson Atty. Aileen Lizada na 1,000 bus units ang kabilang sa nag-aapply ng special permits at karamihan dito o 260 ay patungong North Luzon.
Ang ilalabas na special permit ng LTFRB ay epektibo simula October 30 hanggang November 3.
—-