Nanggigigil na sa LTFRB ang mga jeepney drivers dahil sa kawalan pa rin ng linaw kung kelan sila papayagang pumasada.
Tumawid na ng Maynila ang One Pasada MTC, isang organisasyon ng jeepney drivers upang umapela mismo sa Pangulong Rodrigo Duterte na payagan na silang makapaghanap buhay.
Inihilera ng grupo ang kanilang jeepneys sa gilid ng San Sebastian Church upang ipakita ang kahandaan ng mga ito sa social distancing at iba pang health protocols.
Ipinanawagan rin ng One Pasada MTC ang pagbuwag sa LTFRB dahil wala anilang puso ang nagpapatakbo sa ahensya.
Ayon kay Juan Domalig, pangulo ng grupo, nag-consolidate na ang kanilang grupo na tulad ng nais ng LTFRB subalit hindi naman pinapansin ang kanilang mga dokumento at ibinigay pa ang mga hinihingi nilang ruta sa mga modern jeepneys.
Umaasa ang One Pasada MTC na mapapakinggan ng Pangulo ang kanilang hinaing dahil karamihan anya sa kanila ay namamalimos na lamang at nangangalakal para lamang may maipatustos sa kanilang pamilya.