Itinalaga ng bagong Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Camilo Cascolan si P/Ltg. Cesar Hawthorne Binag bilang bagong hepe ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF).
Ang ASCOTF ang siyang iniwang posisyon ni Cascolan bilang Deputy Chief for Administration ng PNP bago siya mahirang bilang PNP Chief.
Si Binag, bilang bagong PNP Deputy Chief for Operations at Commander ng ASCOTF ang siyang bahala sa logistical requirements ng mga police frontliner sa laban kontra sa COVID-19.
Bagama’t umakyat na bilang Deputy Chief for Administration si P/Ltg. Guillermo Eleazar, mananatili naman ito bilang Commander ng Joint Task Force COVID-19 Shield.
Ayon kay Cascolan, layon nito na masiguro ang “continuity” ng operasyon ng task force.
Tungkulin nito na pangasiwaan ang mandato ng PNP na may kinalaman sa pagpapatupad ng mga direktiba ng National Task Force Against COVID-19 at Inter Agency Task Force (IATF).