Pinagkokomento na ng Supreme Court ang Land Transportation Office, Metropolitan Manila Development Authority at 5 Local Government Units sa Metro Manila sa petisyon ng transport groups laban sa No-Contact Apprehension Policy (NCAP).
Ito ang kinumpirma ni SC spokesman, Atty. Brian Keith Hosaka makaraang talakayin kahapon ng mga mahistrado sa kanilang Regular En banc session ang petisyon ng mga transport group.
Sa En banc resolution, inatasan din ng SC ang LTO at mga LGU na magkomento kung bakit hindi dapat patawan ng Temporary Restraining Order ang NCAP.
Binigyan naman ng Korte Suprema ang mga respondent ng 10 araw para makapaghain ng kanilang komento.
Ang mga naghain ng petisyon ay ang grupong KAPIT, Pasang-Masda, ACTO at ALTODAP at bukod sa LTO at MMDA respondent din ang mga Local Government ng City of Manila, Quezon City, Valenzuela City, Parañaque City at Muntinlupa City.
Kinukuwestyon ng petitioners ang ligalidad ng implementasyon ng NCAP dahil wala umano itong basehan sa ilalim ng R.A. 7924 na enabling charter ng MMDA at RA 4136 na lumikha sa LTO.
Ipinatupad ng limang LGU ang NCAP alinsunod sa February 2016 resolution ng MMDA.
Gayunman, nakasaad sa argumento ng mga transport group na wala namang balidong batas o ordinasang ini-adopt ang mga Local City Councils na nagpapahintulot sa MMDA na palawakin ang Traffic Rules and Regulations.
Ipinunto pa ng petitioners na “Invalid” ang mga ordinansa ng mga LGU na nagbigay-daan sa NCAP dahil walang ipinasang batas ang kongreso na magpapahintulot sa implementasyon ng nasabing polisiya.