Ginisa nang husto ng mga senador ang mga opisyal ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation and Communication (DOTC) kaugnay ng pag-oobliga sa mga motorista na kumuha ng mga bagong plaka ng sasakyan.
Sa pagdinig ng Blue Ribbon at Public Services Committees, kinuwestiyon ni Sen. Ralph Recto ang pagsubasta o pag-bid sa kontrata para sa mga bagong license plates noong 2013 kahit kapos sa pondo.
Binigyang diin ni Recto na hindi niya rin maunawaan kung bakit maliban sa P450 para sa bagong plaka ay may sinisingil ding P50 para sa sticker.
Giit naman ni Majority Leader Alan Peter Cayetano, hindi dapat pinapayagan ng LTO ang karagdagang singilin dahil hindi naman ito profit-making agency.
Maliban dito, kinuwestiyon din ni Cayetano ang motibo at pakinabang ng publiko sa pasya ng LTO at DOTC na sapilitang pagpalitin ang mga motorista ng plaka ng kanilang sasakyan.
By Jelbert Perdez