Bumuo na ng technical working group ang Land Transportation Office upang tutukan ang mga isyu kaugnay ng no-contact apprehension policy (NCAP).
Sa kabila ito ng kaliwa’t-kanang kontrobersya na kinakaharap ng NCAP na ipinatutupad sa limang lungsod sa Metro Manila.
Ayon kay LTO Chief at DOTr Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, naniniwala sila na ang pinaka-mabisang paraan upang maisaayos ang mga issue ay sa pamamagitan ng pag-uusap ng LTO, MMDA at mga lgu.
Umaasa anya sila na magiging bukas ang mga alkalde ng MAYNILA, Quezon City, Valenzuela, Parañaque at Muntinlupa Cities sa mga proposal para sa mas maayos na implementasyon ng naturang polisiya.
Posibleng isagawa ang meeting sa pagitan ng LTO, MMDA at mga lgu sa mga susunod na araw.
Sa ilalim ng no-contact apprehension, ginagamit ang state of the art cameras na may artificial intelligence at gumagana ng bente kwatro oras upang makunan ang mga plaka ng mga sasakyang lumalabag sa traffic rules and regulations.
Ipadadala naman “digitally” sa mga motorista ang kanilang notices of violation.