Nanindigan si Land Transportation Office o LTO Chief Edgar Galvante na tanging si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang pakikinggan kaugnay ng kanyang pananatili sa puwesto.
Kasunod ito ng panawagan ni House Speaker Pantaleon Alvarez ng resignation ni Galvante dahil sa kabiguan nitong tugunan ang problema sa mga bagong plaka ng mga sasakayan.
Ayon kay Galvante, kahit sino ay maaaring manawagan ng kanyang pagbibitiw sa puwesto pero hindi niya nais na basta na lamang talikuran ang tungkulin na ipinagkatiwala sa kanya ng Pangulo.
Iginiit pa ni Galvante na ang usapin sa pagpapalabas ng mga bagong plaka ay nakasalalay sa desisyon ng Korte Suprema matapos na mag-isyu ito temporary restraining order o TRO.
“Hindi ko na siguro kailangan pang sagutin ang mga kumbaga ay mga patutsada kasi hindi naman siguro nila nalalaman ang buong istorya, ang gagawin ko ay magpapatuloy lang akong gumawa ng trabaho habang ako’y nasa LTO, pero anytime na sabihin ng Pangulo at sabihin ng aking sekretaryo na ako’y umalis sa serbisyo, ako’y hindi mag-aatubili.” Ani Galvante
Sinabi naman ni Galvante na nag-simula na ang panibagong procurement process para sa mga bagong car plates at kanilang inaasahan na magsisimula na ang production nito sa Marso ng susunod na taon.
“Yung nangyari nga eh sa Supreme Court case at yung sa disallowance sa COA yun ang inaantay naming matapos kaya gumawa kami ng panibagong procurement at nung una nagkaroon ng problema dahil walang pondo, pero nagbigay ng pondo si Secretary Art Tugade ng DOTr, at ito ang ginagawa natin ngayon, in fact mayroon na akong papel na pinirmahan na napili na kung sino ang winning bidder at mga Marso maaari nang mag-umpisa ng manufacture ng plaka.” Pahayag ni Galvante
(Ratsada Balita Interview)