Pinagbibitiw sa puwesto ni House Speaker Pantaleon Alvarez si Land Transportation Office (LTO) Chief Edgar Galvante.
Kasunod ito ng kabiguan ng tanggapan ni Galvante na gumawa at mag – isyu ng mga driver’s license cards.
Sa pagdalo ni Alvarez sa pagdinig ng House Committee on Transportation sa ilang mga panukalang batas, sinabi nito na isang taon nang nasa puwesto si Galvante pero wala pa rin itong naipalalabas na mga bagong plaka.
Nangangahulugan aniya ito na hindi ginagawa ni Galvante ang kanyang tungkulin at mas maiging palitan na lamang siya.
Iginiit pa ni Alvarez na batay sa kanyang karanasan bilang dating Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary, hindi naman aniya mahirap mag – isyu ng mga plaka.
Dagdag ni Alvarez, isa sa ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kampanya noon ang pagresolba sa “backlog” sa mga plaka kaya dapat ginagawan ito ng paraan.