Handa na rin ang Land Transportation Office sa pagdagsa ng mga motorista at biyahero sa Undas.
Sa katunayan ay nakipag-pulong na ang LTO sa mga transport group, mga kinatawan mula sa mga Expressway at Bus terminal, bilang preparasyon sa inaasahang buhos ng mga pasaherong lalabas o papasok ng Metro Manila.
Ayon kay LTO Executive Director Horatio Bona, inaasahan na nilang mas marami ang daragsa ngayong taon dahil sa mas maluwag na COVID-19 restrictions, lalo sa weekend.
Gayunman, kanilang inabisuhan ang mga transport group at transport hub official na ipaalala sa mga pasahero ang palagiang pagsusuot ng face masks sa mga terminal building at dalhin ang vaccine cards sakaling tanungin ng mga otoridad ang kanilang destinasyon.
Samantala, hindi anya papayagan ang mga LTO personnel na mag-leave simula October 7 hanggang November 4 upang matiyak na matutugunan ng ahensya ang mga aberyang maaaring kaharapin ng publiko sa Undas.