Pinaalalahanan ng Land Transportation Office (LTO) ang publiko kaugnay sa road safety ngayong holiday season.
Kasunod na rin ito nang naitalang 156 road accidents kada araw sa Metro Manila sa taong ito.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo Tugade, dapat palaging isaisip ang kaligtasan sa kalsada lalo na sa pagtungo sa mga party at iba pang social gatherings bilang pagdiriwang ng kapaskukahan.
Matapos ang halos tatlong taong hindi nakagala dahil sa COVID-19 pandemic, sinabi ni Tugade na kailangang mag-ingat sa daan ngayo’y malaya nang nakakagalaw ang mga tao matapos magluwag ng restrictions.
Una nang inilunsad ng DOTr ang Oplan Pasko 2022 na naglalayong matiyak ang kaligtasan, seguridad at convenience ng mga pasahero, drivers at lahat ng mga gumagamit ng lansangan sa bansa ngayon holidays.
Bahagi ng Oplan Pasko 2022 ang pagsasagawa ng mga otoridad ng terminal at roadside inspections para ma-check ang road worthiness ng mga sasakyan gayundin ang pagpapakalat ng mga impormasyon sa kaligtasan sa daan at maging ng transportation laws.