Nagpaliwanag ang Land Transportation Office (LTO) kung bakit hindi pa naipatutupad hanggang sa ngayon ang Motorcycle Crime Prevention Act.
Ayon kay LTO Chief Edgar Galvante, halos buo na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas maliban sa probisyon na ang bawat rehiyon ay dapat magkaroon ng sarili o distinct na kulay ng plaka.
Sa ilalim ng batas, kailangang color coded ang plaka ng mga motorsiklo at dapat ay mababasa ito hanggang sa 15-metro ang layo.
17 ang regions natin, hindi natin ma-assignan ng distinct color ‘yon, wala tayong ganoong karaming kulay, t’yaka ‘pag dark color —sa gabi, ang labas niyan ay parang black; kahit na ‘yung size, mayroon na kaming size na inadopt,” ani Galvante.
Sinabi ni Galvante na nagkasundo na sila na gamitin ang sukat na 135mm by 200mm na plaka at pinag-aaralan ang paggamit ng ibang materyales maliban sa metal para sa plakang ilalagay sa harap ng motorsiklo.
Sinabi ni Galvante na nabanggit na nila ang problema sa kongreso at isang mambabatas na ang nangako na maghahain ng amyenda sa Motorcycle Crime Prevention Act.
Ang tutugunan natin ‘yung —on record 7.2 million, kung ganoon ang gagawin natin pagkatapos hindi rin magseserve ng purpose, e, milyun-milyon ang gagastahin natin diyan; isa pa kinakausap din namin ‘yung manufacturer,” ani Galvante. — sa panayam ng Ratsada Balita