Palalakasin ng Land Transportation Office (LTO) ang pagsasanay sa mga traffic at law enforcement personnel nito upang mapahusay pa ang kanilang pagganap ng tungkuling ipatupad ang mga regulasyon at batas-trapiko.
Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, ang regular na pagsasanay sa mga enforcer ay isa lamang sa mga programa sa ilalim ng pamumuno nito na layong tiyaking maipatutupad ng tama ang mga batas para sa kapakanan ng publiko.
Sa ngayon, sumasailalim sa once a year, live-in seminar ang lahat ng traffic enforcers ng ahensya na layong maging pamilyar ang mga ito sa batas na maaaring magkaroon ng pagbabago at maobserbahan din ang kanilang pag-uugali at kilos sa lansangan.
Planong gawing “mandatory” ang taunang pagsasanay na kahalintulad din sa ibang larangan upang masigurong hindi makalilimutan ng kanilang mga tauhan ang mga regulasyon at batas-trapiko sa bansa.