Plano ng Land Transportation Office (LTO) na bawiin ang otorisasyong ibinigay sa mga accredited driving school para sa pagbibigay ng Certificate of Completion ng Comprehensive Driver’s Education (CDE) para sa mga magre-renew ng lisensiya.
Ito, ayon kay LTO Chief Edgar Galvante, ay matapos magbigay ng posisyon ang Department of Justice (DOJ) hinggil sa isyu bunsod ng inihain na resolusyon sa Kamara De Representantes.
Paliwanag ni Galvante, libre naman ang CDE Program sa website ng LTO at maaari ring pumunta sa Driver’s Education Center ng ahensya ang mga aplikante para gawin ito.
Alinsunod sa House Resolution 2325 ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez, 1,000 hanggang 3,000 pesos ang presyo ng CDE program sa mga driving school.
Iminungkahi naman ni Rodriguez na tanging mga motoristang maraming paglabag sa batas-trapiko ang dapat saklawin ng CDE program at LTO rin ang dapat magbigay nito sa halip na driving schools. —sa panulat ni Mara Valle