Plano na ng Land Transportation Office (LTO) na maghanap ng gagawa ng mga plaka ng motorsiklo dahil hindi na umano ito kakayanin ng kanilang pasilidad.
Ayon kay LTO Chief Edgar Galvante, sa motorsiklo pa lang, aabutin ng 18 milyong piraso ng plaka ang kailangang gawin hanggang taong 2022, pero 2.5 hanggang 2.6 milyon lamang ang nagagawa kada araw.
Lalo anyang magtatagal kung i-aasa lang sa kanilang planta ang produksyon ng plaka.
Kabilang sa mga plakang planong ipagawa sa iba ang mga motorsiklong nairehistro noong 2017 pababa.
Prayoridad sa planta ng LTO ang mga sasakyang nabili o naiparehistro noong 2018 hanggang 2021 alinsunod sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ay may kasamang plaka ang biniling sasakyan.
Humihirit naman ng P2.5 bilyon na pondo ang ahensya mula sa national government upang mahabol ang paggawa ng mga plaka na hindi kaya ng sarili nilang pasilidad.—sa panulat ni Drew Nacino