Tiwala ang grupong LTOP o Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas na napapanahon na para ipatupad ang modernisasyon sa sektor ng mass transit sa Pilipinas.
Ito’y ayon kay LTOP President Orlando Marquez sabay giit na hindi sila lalahok sa ikinasang dalawang araw na tigil pasada ng grupong PISTON o Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide sa susunod na linggo.
Ayon kay Marquez, hindi nauunawaang mabuti ni PISTON President George San Mateo ang kanilang ipinaglalaban dahil hindi naman siya lehitimong operator ng jeepney at wala siyang karanasan sa pamamasada nito.
Dapat aniyang nakikipagsabayan na ang Pilipinas sa ibang mga bansa na gumagamit ng makabagong modelo ng mga makina tulad ng Euro 4 at electric vehicles dahil bukod sa makatitipid na ang mga tsuper, makatutulong din ang mga ito sa kalikasan.