Contained na ang lugar kung saan posibleng nagtatago ang pitong (7) natitirang miyembro ng Abu Sayyaf Group o ASG na kasamahan ng nasawing ASG Sub Leader Muammar Askali alyas Abu Rami.
Sinabi ni Philippine National Police o PNP Spokesman Senior Supt. Dionardo Carlos na target ng kanilang hot pursuit operations ng militar at PNP ang mga naturang nalalabing bandido.
Kasabay nito, inihayag ni Carlos na inaalam pa nila kung ano ang dahilan nang pagkasawi ng dalawang (2) sibilyan sa labanan sa Inabanga sa Bohol.
Unti-unti naman na aniyang nagbabalik sa normal ang sitwasyon sa lugar habang nagpapatuloy ang manhunt operations.
Ipinabatid ni Carlos na nag-deploy na sila ng mobile forces na tumutulong para maibalik ang normal na sitwasyon sa bayan ng Inabanga.
Posibilidad na pagsisilbing protektor ng mga bandido sa drug lords sa Sulu tinututukan na ng militar
Walang report ang militar kaugnay sa pagbibigay umano ng proteksyon ng Abu Sayyaf Group sa mga drug operator sa Sulu.
Gayunman, sinabi ni Joint Task Force Group Sulu Commander Brigadier General Cirilito Sobejana na tinututukan na nila ang posibilidad na pagsisilbing protektor ng mga bandido sa drug lords sa lalawigan.
Kasabay nito, ipinabatid ni Sobejana na nagdo-droga ang mga bandido na nakumpirma nila matapos ang isinagawang anti-drug operations ng AFP o Armed Forces of the Philippines at PNP o Philippine National Police sa isang drug den.
Nakita naman aniya kung paano mamugot ang Abu Sayyaf na tiyak lango sa ipinagbabawal na gamot.
By Judith Larino