Aabot sa 4 billion pesos sa halip na 8.9 billion pesos ang lugi sa pondo ng PhilHealth.
Sa pagdinig ng Joint Congressional Oversight on the National Health Insurance, inihayag ni PhilHealth officer-in-charge Celestina Maria Jude Dela Serna na nagkaroon lang ng double entry kaya’t napabalita na higit 8 billion pesos ang lugi pero sa katunayan ay 4 billion pesos lamang.
Pero ayon kay Senate Committee on Health Chairman JV Ejercito, malaking lugi pa rin ito kaya’t nakakabahala dahil nakatakda pa naman silang magpasa ng Universal Health Care Law kung saan ang PhilHealth ang pangunahing ahensya na magpapatupad nito.
Ayon kay Ejercito, isa sa tinitingnan ng Joint Congressional Oversight Committee ay ang posibleng mafia o kuntsabahan kaya’t nakalulusot ang mga fraudulent claims sa Philhealth.
Iginiit pa ng Senador na malinaw na may financial mismanagement sa PhilHealth kaya’t nagkaroon ito ng malaking lugi at dapat anyang managot ay mga Board of Director.
Samantala, hiniling ni Ejercito sa Palasyo na magtalaga na ng permanenteng PhilHealth President na financial expert at eksperto rin pagdating sa health insurance.
—-