Iniimbestigahan na ng Philippine Air Force (PAF) kung sino sa kanila ang naglabas ng isang memorandum na nakalaan lamang para sa kanilang hanay.
Ito’y may kaugnayan sa pagkakasa ng mala-martial law o mas mahigpit na pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at karatig lalawigan nito.
Sinabi sa DWIZ ni Airforce Spokesman Maj. Aris Galang sa pamamagitan ng text message, isa aniya iyong internal memo para sa kanilang mga tauhan.
Nilinaw ni Galang na paghahanda lamang ito para sa anumang posibilidad o kung magpasya na si Pangulong Duterte bilang Commander in Chief na gawin na ang kaniyang kautusan.
Una rito, kumalat sa social media ang nasabing internal memo ng air force na nag-aatas sa kanila na paghandaan ang mas mahigpit na pagpapatupad ng ECQ sa Metro Manila katuwang ng Philippine National Police (PNP).
Magugunita sa televised speech ng Pangulo noong isang linggo na gagawing mala-martial law ang pagpapatupad ng ECQ sa Metro Manila dahil sa dami ng mga pasaway na patuloy na lumalabag dito.
TINGNAN: Air Force Spokesperson Maj. Aris Galang nilinaw ang kumakalat na PAF memo | via @jaymarkdagala pic.twitter.com/L6sxcfXJui
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) April 19, 2020