Kailangang matigil ang dumaraming kaso ng pagnanakaw ng mga mobile number.
Ito ang inihayag ni Senador Imee Marcos makaraang kalampagin ang National Telecommunications Commission (NTC) at National Privacy Commission (NPC) para gumawa ng paraan para mahinto ang mga nagnanakaw ng personal na impormasyon tulad ng cellphone mumber.
Bagamat nagpalabas ang telcos ng mga abiso kung paano harapin ang mga ‘spam messages,’ hindi kumbinsido si Marcos na sapat na ito para malutas ang problema.
Dapat anyang makalikha ng isang sistema ang NTC at NPC kasama ang mga telco companies, mga bangko, at online shopping platforms na makakaharang sa spam messages para wala nang makatanggap nito.
Nanawagan rin si Marcos na itigil na ang ” walang ingat na pangungulekta ng mga mobile phone numbers para sa contact tracing, na inililista sa mga nakabuyangyang lang na mga papel” bago payagan ang isang tao na makapasok sa mga bangko, mga supermarket at iba pang mga establisimyento.
ito ay dahil nagiging daan lang ito para malantad ang publiko sa mga scammer.
Kailangan anyang makahanap ang mga business establishments ng mas pribadong pamamaraan ng pagsasagawa ng contact tracing, lalo na para sa mga mobile phone user na walang app para makagawa ng QR codes.”
Ang smishing o SMS phishing ay ang ilegal na pagkuha sa mga personal na impormasyon tulad ng password o credit card numbers gamit ang text messages o mobile data apps, sa pamamagitan ng alok na trabaho, mga premyo o diskwento.
Ipinagbabawal sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 ang “unsolicited commercial communications” na itinatago ang pinagmulan ng mga electronic messages at ipinadadala ng walang paunang abiso sa mga pinadadalhan nito. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)