Maaari pa ring gamitin ang mga lumang beep card para ipambayad ng pamasahe sa mga bus na pumapasada sa EDSA Busway.
Ito ang nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) matapos magdulot ng kalituhan sa publiko ang ibinebentang “beep rides” cards ng ilang operator ng bus na dumaraan sa nasabing bus system.
Gayunman, sinabi ni Transportation Asec. Goddess Hope Libiran magkaiba ang beep card na ginagamit sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (lrt) sa “beep rides” na ibinebenta ng ilang bus operator.
Salig aniya sa inilabas na kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), may kalayaan ang mga bus operator na mamili ng kanilang automated fare collection system (AFCS) providers basta’t maipatutupad ang cashless payments sa mga pampublikong transportasyon.
Pero iginiit ni Libiran na mahigpit na tinututulan ni DOTr Sec. Arthur Tugade na pasanin ng mga commuter ang bayad sa sistema kaya’t dapat aniyang libre lamang ang card at tanging load o pamasahe lamang ang dapat na bayaran ng mga sumasakay ng bus.