Inilabas na ng Senado ang warrant of arrest para sa labing-pitong mga umano’y “dummy” ni Vice President Jejomar Binay, ito ay may kaugnayan sa alegasyon ng katiwalian ukol sa Makati City Hall Building 2 na patuloy na iniimbestigahan sa Senado.
Ang kautusang ito ng Senado ay patunay lamang na seryoso ang mataas na kapulungan ng Kongreso na malaman ang katotohanan sa mga paratang ipinupukol sa pangalawang Pangulo.
Ngayon, nasa mga kamay na ng mga umano’y “dummy” ang pagpapasya kung gusto pa nilang bumango ang pangalan ni VP Binay, lalo’t malaki na ang epekto nitong isyung ito sa kandidatura ng Vice President sa darating na halalan sa 2016..
Eh kaso, tila nagtatago na ang mga ito lalong-lalo na sina Ebeng Baloloy at Jerry Limlingan.
Bakit pa kasi hinayaan pang tumagal pa ang isyung ito, kung wala talagang kasalanan ang kanilang dating “boss” na si VP Binay, di sana tumagal ito.
Kung sa simula pa lamang ay sinagot na ito, hindi na sana nagka-sanga-sanga ang mga isyung ito na ngayon ay pinagpepyestahan sa Senate Blue Ribbon Sub-Committee na siyang nanguna sa pang-ungkat ng katotohanan sa mga paratang ng katiwalian.
Siguro ngayon ay nanginginig na sa takot ang mga ito dahil kapalit ng kanilang pananahimik at pagtatago ay ang kaakibat na kulong.
Habang may pagkakataon pa, mas maiging payuhan natin itong mga umano’y “dummy” na magsilabasan na sa kanilang mga lungga at taas noo nilang harapin ang mga nag-aakusa sa kanila, na para sa ganun ay malinis nila ang kanilang mga pangalan.
Tayo rin ay nanalig sa Diyos na sana ay nasa mabuting kalagayan ang mga ito lalong-lalo na sina Limlingan at Baloloy na para sa nakararami ay maaring susi sa matagal nang paghahanap ng katotohanan sa isyu ng katiwalian.
Sige nga surpresahin niyo na lang kami at handa ang sambayanan na kayo ay proteksiyunan, basta’t ang inyong isisiwalat lamang ay ang katotohanan at di pagtakpan ang mga nagkasala.
Tandaan ninyo, kung nasa tama kayo, siguradong nasa panig ninyo ang mamamayan, na hangad lamang ay maparusahan at mapanagot ang mga salot at mga kawatan ng kaban ng Bayan.