Bawal ang lump sum sa kasalukuyang sistema ng paglalatag ng budget.
Ito ang idinahilan ni Budget OIC Tina Rose Marie Canda kaya’t walang alokasyon ang gobyerno para sa ayuda sa mga lugar na isasailalim sa COVID lockdown sa susunod na taon bukod pa sa walang nakalaang budget para sa Special Risk Allowance ng mga healthcare worker.
Sa pagtatanong ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, sinabi ni Canda na gusto nilang maglaan ng pondo para sa pagbibigay ng ayuda subalit magiging lump sum ito.
Maaari aniya ang panukalang ipasok ang pang-ayuda sa contingency fund subalit lolobo naman ito at magiging usapin ang pagdepensa rito.
Ngayong taon, inihayag ni Canda na wala rin namang inilaan na pondo sa national budget para sa ayuda na hinuhugot lamang sa mga savings at natira sa unprogrammed funds.
Binigyang diin ni Recto na gagawan nila ng paraan na magkaroon ng alokasyon para sa SRA dahil napakaliit ng P3,000 hanggang P5,000 SRA kada buwan para sa healthcare workers na inilalagay sa peligro ang kanilang buhay.—ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)