Tinukoy ni Budget Secretary Butch Abad ang nakapaloob na lump sum appropriation sa proposed 2016 national budget.
Ayon kay Abad, tatlong lump sum ang nakapaloob sa panukalang pondo at ang mga ito ay ang calamity fund, Yolanda construction and rehabilitation fund at contigency fund.
Ipinaliwanag ng Kalihim na hindi nila kayang idetalye sa ngayon ang paglalaanan ng calamity at contigency funds dahil hindi naman nila masasabi kung kailan tatama ang bagyo o lindol sa bansa.
Inaaprubahan anya ng Office of the President ang pinaggagamitan ng mga calamity at contigency funds subalit ang nagpoproseso ay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council at nasa National Treasury ang nasabing pondo.
Samantala, iginiit ni Abad na hindi naman ganap na lump sum ang pondo para sa Yolanda rehabilitation dahil may mga proyektong nakapaloob dito at kailangan na lamang idetalye ang lugar at halaga ng mga ito.
Ligal naman
Hindi na mawawala ang pork barrel bilang bahagi ng annual national budget.
Ayon kay Senador Sergio Osmeña, ligal naman ang pork barrel dahil bago aprubahan ang budget ay tinutukoy na ng mga mambabatas ang mga proyekto na nais nilang paglaanan ng pondo.
Ipinaliwanag ng senador na tanging iligal ay ang pagnanakaw ng pondo ng bayan.
Ang universal definition aniya ng pork barrel ay ang paglalaan ng pondo ng mga mambabatas para sa isang proyekto hindi man ito iligal kaya’t mas mabuting aminin na lamang na may pork barrel sa budget.
Iginiit ni Osmeña na magkaiba ang pork barrel fund sa lump sum appropriation.
By Drew Nacino | Cely Bueno (Patrol 19)