Pinag-aaralan na ng Philippine Coastguard at disaster officials ng Mindoro na ipasisid ang lumubog na Liberty 5.
Sa harap ito ng kabiguan pa rin ng search and retrieval team na makita ang 14 na mangingisda na sakay ng Liberty 5 matapos ang apat na araw na paghahanap.
Matatandaan na lumubog ang Liberty 5 matapos itong mabanga ng isang barko na rehistrado sa Hong Kong.
Ayon kay Mario Mulingbayan, Disaster Response Official ng Occidental Mindoro, pinalawak na nila ang sakop ng paghahanap at nakipag-ugnayan na rin sila sa palawan para sa posibilidad na naanod doon ang mga nawawalang mangingisda.
Bagamat umaasa aniya sila at nagdarasal na naanod sa mga isla ang mga mangingisda, hindi rin ina alis ang posibilidad na nasa loob ng barko ang mga mangingisda nang maganap ang banggaan at nakasama sila sa paglubog ng barko.