Inanunsyo ng Lung Center of the Philippines (LCP) na nasa 200% capacity na ang kanilang emergency room habang umabot na umano sa 100% capacity ang kanilang COVID-19 wards operation.
Base sa advisory ng LCP, hindi na muna ito tatanggap ng mga COVID-19 patients na walk-in at mga transferee na walang koordinasyon sa kanila.
Kabilang din umano sa mga hindi muna nila pahihintulutan na ma-admit sa kanilang pagamutan, ay ang mga selective surgical and non-emergency medical patients o iyong mga non-COVID-19 na mga pasyente.
Makikita naman sa website ng LCP ang mga contact number na maaring tawagan ng mga COVID-19 at non-COVID-19 patients na nais na komunsulta sa kanilang mga doktor.
Ilang mga indibidwal na umano ang kanilang tinanggihan at hindi na tinanggap dahil sa puno na ang kanilang ospital at wala nang bakante.