Hinikayat ng pamahalaang panlungsod ng Marikina ang publiko na makilahok at manood ng kanilang libreng pa-konsyerto at fireworks display.
Ito’y bilang bahagi ng kanilang kampaniya na maiiwas ang publiko sa paggamit ng mapaminsalang paputok sa pagsalubong sa bagong taong 2020.
Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, gagawin ang libreng konsyerto sa Marikina Sports Complex sa Disyembre 31 simula 7:00 hanggang 11:00 ng gabi.
Paliwanag ng Alkalde, naging tradisyon na ng mga taga-Marikina ang panonood ng fireworks display at year-end concert dahil mas magandang salubungin ang bagong taon ng ligtas at mapayapa.
Binigyang diin pa ni Teodoro na hindi lamang para sa mga taga-Marikina ang libreng konsyerto kundi ito’y bukas din sa mga residente ng karatig nilang lungsod tulad ng Quezon City, Pasig gayundin sa lalawigan ng Rizal.