Isinailalim na rin State of Calamity ang Muntinlupa City matapos ang pinsalang idinulot ng Bagyong Paeng.
Alinsunod ito sa resolusyong ipinasa ng Sangguniang Panglungsod na inendorso ni Mayor Ruffy Biazon sa Local Disaster Risk Reduction and Management Council na nagrekomenda ng deklarasyon.
Sa naturang resolusyon, binigyang-kapangyarihan ang Alkalde na gamitin ang 30% ng quick response fund ng Local Disaster Risk Reduction and Management para sa relief operations at rehabilitation ng mga apektadong lugar.
Simula October 29 hanggang 30, nakaapekto sa lungsod ang bagyo na nagdulot ng malakas na ulan, hangin at pagbaha kaya’t nagsuspinde ng klase, ipinatigil ang negosyo at naputol ang power supply.
Batay sa Initial Assessment ng Muntinlupa City Department of Disaster Resilience and Management Office, dalawa ang namatay at mahigit 1,200 pamilya o 5,000 indibidwal ang apektado ng bagyo sa lungsod.
Samantala, 13 sa 25 risk areas sa Muntinlupa ang nananatiling lubog sa baha.