Bawal munang tumanggap ang mga residente ng Tagaytay City ng evacuees mula sa mga maaapektuhang bayan nang pagsambulat ng bulkang Taal kahit pa kaanak nila ang mga ito.
Kasunod na rin ito nang inisyung paalala ni Tagaytay City Mayor Agnes Tolentino kung saan nakasaad ang itinakdang drop areas para sa mga evacuee kaugnay sa kanilang COVID-19 testing at pagdala sa itinakda ring evacuation areas sa iba’t ibang bayan sa Cavite.
Subalit pinaghahanda ni Tolentino ang mga Punong Barangay sakaling dumagsa ang mga ililikas mula sa Batangas.
Sinasabing galing kay Cavite Governor Jonvic Remulla ang naturan direktiba at ang provincial government ang sasagot sa antigen test ng mga lilikas sa lalawigan.
Kasabay nito, muling pinaalalahanan ang mga residente na manatili sa bahay at isara ang mga bintana at pintuan para hindi makalanghap ng abo.