Bagamat iginiit niyang isa lamang siyang “simpleng mamamayan”, kinuwestiyon sa Senado at maging ng mga netizen ang tila “luxurious lifestyle” ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na pinaghihinalaang sangkot sa pagpapatakbo ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa kanyang bayan.
Batay sa mga dokumentong nakalap ni Senator Risa Hontiveros, napag-alamang mayroong pagmamay-aring 16 na sasakyan si Mayor Guo. Kabilang sa mga sasakyang ito ang ilang sports utility vehicles (SUVs), pick-up trucks, dump trucks, at closed van. Ngunit ayon sa alkalde, hindi niya ito assets dahil bahagi ito ng kanyang buy and sell business.
Hiniram lamang din umano ni Mayor Guo para sa ginanap na car show sa lalawigan ang kontrobersyal na McLaren 620R na hinihinalang nagkakahalaga ng P33 million.
Wala man siyang naturang luxury car, nagkaroon naman siya ng helicopter na nais niyang gamitin sa pagnenegosyo bilang air taxi. Ibinenta niya na raw ito ngayong taon.
Kaugnay nito, napansin naman ng mga netizen ang luxury items na sinuot at ginamit ng alkalde na inilista sa isang social media post.
Isa rito ang Bulgari Serpenti Viper Necklace na tinataya ng mga netizen na nagkakahalaga ng P11.9 million. Nariyan din ang long-sleeve shirt ng Louis Vuitton na aabot sa P200,000.
Nakita ring may bitbit si Mayor Guo na Goyard bag na may presyong hindi bababa sa P100,000 at Chanel Trendy CC Flap bag na P350,000.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Senado at maging ng mga netizen sa totoong pagkatao ni Mayor Guo at ang tunay na dahilan kung bakit niya piniling maging pinuno ng Bamban.