Magandang balita…walang aasahang rotational brown out ngayong araw na ito.
Bunga ito ng unti-unti nang pagbabalik sa normal ng supply ng kuryente lalo na sa Luzon grid.
Ayon sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), dalawa sa mga nasirang planta ang papasok na sa sistema simula April 16.
Dahil dito, mayroon nang sapat na reserba ng kuryente kaya’t walang aasahang yellow o red alert sa araw na ito na tulad ng mga nangyari nitong mga nakalipas na araw.
Nitong April 2 hindi inaasahang bumagsak ang Pagbilao Unit 3 na may 420 megawatt capacity samantalang April 11 naman bumagsak ang Limay Unit 2 na may 150 megawatt capacity.
Inaasahan namang papasok na rin sa sistema ang SLPGC Unit Two na may 150 megawatt capacity sa April 21.
DOE probes
Samantala, iniimbestigahan na ng DOE ang sunod-sunod na pagsasailalim sa red alert ng Luzon grid na nagresulta sa malawakang rotational brownout noong nakaraang Biyernes.
Ayon kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella, oras na makumpleto na nila ang lahat ng impormasyon sa insidente, agad nila itong isusumite kaya Pangulong Rodrigo Duterte, Energy Regulatory Commission (ERC) at Philippine Competition Commission.
Tiniyak din ni Fuentebella na kanilang ipagbibigay-alam sa publiko ang mga makakaalap na impormasyon bilang pagtutupad sa mga polisiya para maprotektahan ang kapakanan ng mga consumers.
Binigyang diin naman ng opisyal na hindi nagkulang ang DOE sa pagpaplano sa usapin ng suplay ng enerhiya sa bansa bagkus ang mga generation companies na sapilitang nagsasara.—Krista de Dios
—-