Itinaas ang yellow alert status sa Luzon Grid bunsod ng mababang power reserve.
Ito, ayon kay Energy Secretary Zenaida Monsada, ay dahil na rin sa isinasagawang maintenance shutdown ng ilang planta ng kuryente sa rehiyon at gayundin ang pag-shutdown ng Sual Power Plant.
Aniya, nagdulot ito ng manipis na reserba ng kuryente.
Sa panayam ng DWIZ, tiniyak naman ni Monsada na sapat ang magiging supply ng kuryente sa halalan.
Nanawagan din si Monsada sa publiko na magtipid sa kuryente upang hindi tumaas ang demand ng power supply.
“Namomroblema tayo yung bandang tanghali, mga 10 to 3 o’clock yun yung pinakamataas na demand natin so kung puwede halimbawa, kasi ang isang malaking kunsumo natin ay plantsa, so ang advice natin walang mag-plantsa ng bandang tanghali medyo hindi natin aabutin yung sobrang lakas ng demand ng sabay-sabay.” Pahayag ni Monsada.
Samantala, nilinaw ni Monsada na piling oras lamang ikinakasa ang yellow alert kaugnay sa supply ng kuryente.
Ito ay matapos itaas sa yellow alert ang supply ng kuryente matapos tumaas ang demand partikular ng alas-2:00 ng hapon kahapon.
Pumalo aniya sa mahigit 9,000 megawatts ang power demand sa Luzon area pa lamang mula sa dating wala pang 8,000 megawatts.
Sinabi ni Monsada na nagka-problema rin ang Sual Power Plant kayat nagkaroon ng brownout sa ilang area dahilan naman nang itinaas nilang red alert status.
Bahagi ng pahayag ni DOE Secretary Zenaida Monsada
Metro Manila
Nakaranas ng 15 minutong rotating brownout ang ilang customer ng Manila Electric Company o MERALCO kahapon.
Ito’y makaraang magdeklara ng yellow alert ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP dahil sa manipis na reserba ng kuryente sa Luzon Grid.
Ayon kay MERALCO Spokesman Joe Zaldarriaga, nagkaroon ng load dropping nang bumigay ang ilang planta tulad ng Sual, Calaca at Tiwi.
Dahil dito, nakaranas ng panandaliang pagkawala ng kuryente ang mga lugar ng Quezon City, Muntinlupa, Las Piñas, Malabon, Maynila, Caloocan, Valenzuela, Navotas, Pasay at Parañaque.
Dahil dito, sinabi ni Zaldarriaga na posible pang masundan ang brownout ngayong araw kung hindi pa rin maisasaayos ang mga nasirang planta.
By Jelbert Perdez | Judith Larino | Ratsada Balita | Jaymark Dagala
Photo Credit: govph