Hindi na kailangan pang magsuot ng mga drivers ng face mask kung mag-isa lamang sila sa sasakyan habang nagmamaneho.
Ito ang inihayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, co-chairperson ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID), kasunod na rin ng ipinalabas na abiso ng Department of Health.
Ayon kay Nograles, makatuwiran naman ito dahil hindi naman aniya makakahawa ang isang driver kung mag-isa lamang ito at walang kasama sa loob ng sasakyan.
Batay sa abiso ng DOH, maaaring tanggalin ng driver ang kanyang suot na facemask habang nasa loob ito nang sasakyan at nagmamaneho mag-isa.
Nilinaw na rin ni Land Transportation Office Chief Edgar Galvante na kanila munang ipinagpaliban ang panghuhuli o pagmumulta sa mga lalabag sa polisiya na nag-aatas sa mga pasahero at driver na palagiang magsuot ng face mask habang nasa loob ng sasakyan.