Aagahan ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-aasikaso sa mga ibibigay na benepisyo at honorarium ng mga guro na magsisilbing Board of Elections Inspectors sa May 9 elections.
Tiniyak ito ni COMELEC Chairman Andres Bautista na nagsabi ring pinag-aaralan na nilang ibigay ng maaga sa Department of Education (DepEd) ang pondo para sa mga benepisyo ng mga guro kaugnay sa eleksyon.
Kailangan pa aniya nilang bumalangkas ng mga panuntunan hinggil dito.
Optional
Hindi naman nababahala ang COMELEC sa bagong batas hinggil sa pagiging optional na lamang ng pagseserbisyo ng mga guro tuwing eleksyon.
Sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na una nang tiniyak sa kanila ng Department of Education (DepEd) na halos 700,000 guro ang handang maging board of elections inspectors sa Mayo 9.
Sa kabila ito ng 300,000 guro na kailangan sa automated elections.
Tiwala si Bautista na sasapat na ang isa o dalawang guro na magboboluntaryo.
Naniniwala si Bautista na bukod sa matatanggap na benepisyo, malaking karangalan din para sa mga ito ang magsilbi sa ngalan ng demokrasya.
By Judith Larino