Umaapela ang mga commuters na paagahin o magsimula ng 4:00 ng madaling araw ang mga bus na bumabyahe sa EDSA para hindi sila ma-late sa kanilang mga trabaho.
Kaugnay ito ng ikalawang araw ng suspensyon ng operasyon ng MRT 3 kung saan ang mga pasahero ay sumasakay sa bus augmentation buses gayundin sa EDSA busway units.
Maraming pasahero ang humihiling ng mas maagang pagbiyahe ng mga bus sa halip na dating ala singko y medya ng madaling araw para makaabot ang ilan sa mga ito sa alas 6:00 ng umagang pasok nila.
Alas 6:00 ng umaga ay mahaba na ang pila ng mga pasaherong pasakay ng bus augmentation units.
Magugunitang suspendido ang MRT operations mula July 7 hanggang 11 para sa kaukulang disinfection dahil sa tumataas na bilang ng mga tauhan nitong nagpo positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).